Friday, April 4, 2008

Pag-uusisa ng Senado wala nang saysay

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Friday, April 4, 2008

TATLO ang mensahe mula sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni Romy Neri tungkol sa executive privilege.

Una, wala nang saysay ang pag-iimbestiga ng Kongre­so sa mga katiwalian ng gobyerno. Anang Korte, hindi maaring pilitin ang isang executive official na ibunyag ang mga usapan nila ng Pangulo — miski may sangkot na krimen. Sa national broadband deal, hindi maaring pilitin ng Senado si Neri na ibunyag ang naganap matapos niyang isumbong ang tangkang panunuhol ni Comelec chair Ben Abalos ng P200 milyon.

Opisyal nang tinanggalan ng Korte ang Kongreso ng poder. Parang inutos na rin ng Korte na buwagin na ng Senado ang Blue-Ribbon body, at ng Kamara ang committee on good government. Kasi, hindi naman nila mapi­pilit ang executive officials na magsabi ng buong kato­tohanan.

Ikalawang mensahe: Tila na-control na rin ni President Gloria Arroyo ang Korte Suprema. Halos lahat ng siyam na justices na bumoto para kay Neri ay pawang nominees ni Arroyo. Dapat sana ay maging independent ang appointees mula sa appointer. Pero hindi ito nang­yayari.

Ngayon, alam na natin kung bakit parating iginigiit ng Malacañang tuwing may nabibistong katiwalian na “ipau-baya na lang sa korte ang paglilitis.” Ito’y dahil hawak naman nila sa ilong ang mga korte. Isa-isang winawasak ang ating mga institusyon: Comelec, AFP, PNP. Kamara, Senado, media, mga obisyo, at ngayon ang Korte Suprema.

Pero may ikatlong mensahe sa desisyon kay Neri. At ito ay maaring mag-boomerang sa Malacañang. Ibig sabihin ng ruling ay maaring idiin ni Neri si Abalos, pero maitatago niya ang pagkasangkot ni Arroyo sa NBN-ZTE scam. Ibig sabihin, malamang na mahabla ng Ombudsman si Abalos nang plunder, at maari ring hatulan ito ng Sandiganbayan nang habambuhay na pagkakulong. Papayag kaya si Abalos sa gan’un? Hindi kaya siya mahimasmasan at ibunyag na ang lahat?

Tuesday, April 1, 2008

May kickback sa pag-angkat ng bigas

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Tuesday, April 1, 2008

TAUN-TAON kinakapos ang Pilipinas nang dalawang milyong tonelada ng bigas. Ang dapat na solusyon ng isang respon­sableng gobyerno ay maglaan ng pondo para pag-ibayuhin ang ani. Ang naturang pondo ay para sa patubig, kontra baha, abono, pestisidyo, research and development ng high-yield rice varieties, post-harvest facilities, at insentibo at training sa magsasaka.

Pero hindi ito ginagastahan ng gobyerno. Ang kokon­ting pera ng bayan ay inilalaan sa mga walang kapara­rakang proyekto. Kung hindi ko binisto ang national broad­band network deal, wawaldasin sana ng Mala­cañang ang $330 milyon (P17 bilyon), imbis na ang rice productivity. At ki-kickback pa sana ang brokers ng ZTE nang $200 milyon (P10 bilyon).

Mas ginugusto rin ng gobyerno na angkatin taun-taon ang shortage na dalawang milyong tonelada mula sa India, Thailand o Vietnam. Bakit? Dahil may kickback din sa bawat stage ng pag-import ng bigas.

Simulan natin sa presyo. Anang Malacañang, bumibili ang gobyerno ng bigas mula sa Vietnam sa halagang $700 kada tonelada. Pero i-check sa Internet ang presyo ng Vietnam rice exports: $430-$460 lang kada tonelada. (Tumaas ito kama­kailan nang $50-$70 kada tonelada dahil kokonti lang din ang ani ng Vietnam nang ilaan ang mga lupain para sa biofuels.)

Ilagay na lang natin sa $450 kada tonelada ang presyo ng Vietnam, para madaling kuwentahin. Sa gan’ung presyo, malinaw na may overprice na $250 kada tonelada ang opisyal na umoorder ng bigas mula Vietnam. Tuma­taginting na $500 mil­yon (P20 bilyon) ang kickback mula sa dalawang milyong tonelada.

Hindi lang ‘yon. Pati ang opisyal na taga-hire ng barko ay kumu­kumisyon nang di bababa sa $100,000 kada barko ng bigas.

Maniwala kayo’t sa hindi, pati sako ng bigas ay may kick­back. Dekada-’80 pa, 15¢ na ang kumisyon kada sako. May 20 sako kada tonelada, o 40 milyon sako sa dalawang milyong tonelada ng angkat na bigas. Ang kickback mula sa sako pa lang ay $6 milyon ($240 milyon).