Tuesday, April 1, 2008

May kickback sa pag-angkat ng bigas

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Tuesday, April 1, 2008

TAUN-TAON kinakapos ang Pilipinas nang dalawang milyong tonelada ng bigas. Ang dapat na solusyon ng isang respon­sableng gobyerno ay maglaan ng pondo para pag-ibayuhin ang ani. Ang naturang pondo ay para sa patubig, kontra baha, abono, pestisidyo, research and development ng high-yield rice varieties, post-harvest facilities, at insentibo at training sa magsasaka.

Pero hindi ito ginagastahan ng gobyerno. Ang kokon­ting pera ng bayan ay inilalaan sa mga walang kapara­rakang proyekto. Kung hindi ko binisto ang national broad­band network deal, wawaldasin sana ng Mala­caƱang ang $330 milyon (P17 bilyon), imbis na ang rice productivity. At ki-kickback pa sana ang brokers ng ZTE nang $200 milyon (P10 bilyon).

Mas ginugusto rin ng gobyerno na angkatin taun-taon ang shortage na dalawang milyong tonelada mula sa India, Thailand o Vietnam. Bakit? Dahil may kickback din sa bawat stage ng pag-import ng bigas.

Simulan natin sa presyo. Anang MalacaƱang, bumibili ang gobyerno ng bigas mula sa Vietnam sa halagang $700 kada tonelada. Pero i-check sa Internet ang presyo ng Vietnam rice exports: $430-$460 lang kada tonelada. (Tumaas ito kama­kailan nang $50-$70 kada tonelada dahil kokonti lang din ang ani ng Vietnam nang ilaan ang mga lupain para sa biofuels.)

Ilagay na lang natin sa $450 kada tonelada ang presyo ng Vietnam, para madaling kuwentahin. Sa gan’ung presyo, malinaw na may overprice na $250 kada tonelada ang opisyal na umoorder ng bigas mula Vietnam. Tuma­taginting na $500 mil­yon (P20 bilyon) ang kickback mula sa dalawang milyong tonelada.

Hindi lang ‘yon. Pati ang opisyal na taga-hire ng barko ay kumu­kumisyon nang di bababa sa $100,000 kada barko ng bigas.

Maniwala kayo’t sa hindi, pati sako ng bigas ay may kick­back. Dekada-’80 pa, 15¢ na ang kumisyon kada sako. May 20 sako kada tonelada, o 40 milyon sako sa dalawang milyong tonelada ng angkat na bigas. Ang kickback mula sa sako pa lang ay $6 milyon ($240 milyon).