Friday, February 29, 2008

DOJ pambambo sa tumutuligsa

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 29, 2008

SADYA bang baliktad na ang mundo? Ito ang tanong ni ZTE scam witness Jun Lozada sa sarili nang usisain din siya ng bunsong anak: “Dad, kung hero ka dahil sa katapangan mong ibunyag ang kasakiman sa ZTE deal, bakit tayo ang nagtatago (dito sa La Salle Greenhills)?”

Aba’y baliktad na talaga ang mundo. Masdan ang Department of Justice, sa pagsigaw ni Lozada na kinid-nap siya ng mga di-kilalang armadong lalaki sa airport nang umuwi nu’ng Feb. 5. Ihahabla raw siya ng DOJ ng perjury (pagbubulaan habang nakasumpa) dahil pina­niniwalaan nito ang bulol-bulol na kuwento nina Gen. Angel Atutubo at Col. Paul Mascariñas na inikot lang nila sa Laguna si Lozada bilang pag-secure sa kanya.

Kakasuhan din daw ng DOJ ang asawa ni Lozada na si Violeta, dahil sa pag-file nito ng writ of habeas corpus nu’ng Feb. 6 miski nagkita na silang mag-asawa nu’ng gabi ng Feb. 5. Ni hindi pinansin ang sinumpaang salaysay nila Lozada at ng pari sa La Salle na sinundo pa uli ni Mas­cariñas ang witness nu’ng Feb. 6 para dalhin sa di-sinabing lugar.

Kakasuhan pa rin ng DOJ si Lozada nang graft dahil sa mga inamin nitong katiwalian sa Senate inquiry. Pero ni hindi pinapansin ng DOJ ang mga testimonya at ebidensya ng pangungulimbat sa ZTE deal na lumabas noon pang 2007.

Pati si Sec. Romy Neri kakasuhan din ng DOJ dahil sa paglabag umano sa executive privilege nang ikuwento sa Senado ang mga pinag-usapan nila ni President Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa deal. Ang katawa-tawa dito, e executive privilege din ang ihinihirit ni Neri para ilihim sa Senado ang mga pinag-usapan nila.

Naging taliwas sa hustisya ang kilos ng DOJ dahil sa pinuno nitong si Sec. Raul Gonzalez. Hindi basta partisano ni GMA si Gonzalez; binabali pa niya ang batas para lang pagtakpan ang katiwalian sa Arroyo admin.

Ang tanong: Tatahimik na lang ba ang mga matitinik na abogado’t abogada sa DOJ sa paglulubog sa kanilang lahat ng isang partisanong bumabali sa batas? Kung oo, aba’y parang kasabwat na sila ni Gonzalez.

Tuesday, February 26, 2008

Nababaliw sa pagpapalusot

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, February 26, 2008

SINUMANG nais wasakin ng mga diyoso, sinisira muna nila ang ulo. At baliw na nga ang Arroyo admin, kung ang pagbabatayan ay ang mga kilos at salita nito sa $200-milyong kickback sa $330-milyong ZTE deal.

Biruin mo, tinawag pala ni Sec. Romy Neri na evil ang amo niyang President Gloria Macapagal Arroyo. Hindi niya diretsang maitanggi ang pagbubunyag ng kaibigan niyang state witness na si Jun Lozada. Sabi na lang niya na hindi niya maalalang sabihin ‘yon sa miting nu’ng Dec. 7 kay Senators Ping Lacson at Jamby Madrigal. Pero ang mas kabaliwan ay nang mag-”unity walk” kinabu­kasan ang Gabinete para magpakita ng pakikiisa sa bina­batikos na GMA. Ipinagtabi pa ng direktor ng eksena sina GMA at Neri, na nag-isnaban naman. Tanong tuloy ng madla: Sino sa dalawa ang naniniwala sa pangaral ni Sun Tzu na “ilapit sa sarili ang mga kaibigan at mas ma­lapit ang mga kaaway.”

Kinabukasan pa uli, ibinunyag ni Gina de Venecia, asawa ni dating-Speaker Joe, na ilang beses na nga sinabi ni Neri sa kanilang mag-asawa na evil nga si GMA. Hindi na ito sinagot ni Neri, kasi parang anak ang trato sa kanya nina Joe at Gina. Silence is guilt, ika nga.

Kasabay nu’n nag-lecture si presidential economic adviser (Albay Gov.) Joey Salceda sa Ateneo at sinabing: “Bitch nga si Arroyo pero pinaka-masuwerteng bitch siya sa lahat.” E meron palang TV camera na nakunan ang lahat. Nabisto tuloy ang pananaw kay GMA ng mga tauhan niya.

Nag-apologize umano si Salceda, perong walang kibo lang si GMA. Hindi pa alam kung ano ang gagawin ng mga anak ni GMA na Reps. Mikey at Dato Arroyo. Kasi nga naman, kung bitch ang nanay nila, hindi maganda ang maaring itawag sa dalawang sons. Maaalalang sina Mikey at Dato ang namuno sa pagpapatalsik kay Joe de Venecia sa Speakership dahil sa pagsangkot ng anak nitong si Joey kay First Gentleman Mike Arroyo sa ZTE scam. Bwahahaha!

Monday, February 25, 2008

Imbestigasyong ZTE huwag pampatahimik

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, February 25, 2008

KUNG balak ng Arroyo admin idribol ang imbestigasyon ng Ombudsman sa ZTE deal para mahupa ang galit na madla, magdalawang-isip sana ito. Alam ng Malacañang na 92% ng Pilipino ay naniniwala sa mga isiniwalat ni Jun Lozada na pagkidnap sa kanya, at bilyon-pisong katiwalian sa ZTE deal. Kapag lutuin ang Ombudsman probe o patagalin hanggang mainip ang tao sa paghihintay, baka magulat ang Palasyo sa pagsabog ng poot.

Kung tutuusin, napilitan na ngang mag-inhibit ni Ombudsman Mercedita Gutierrez. Kaklase niya kasi sa law school si First Gentleman Mike Arroyo, na dawit sa $200-milyong kickback sa $330-milyong deal. Pero nagbabantay pa rin ang mamamayan sa maaring iliku-liko ng kaso. Batid ng madla ang masamang pagtrato ng Ombudsman sa mga kaso ng katiwalian. Nu’ng nakaraang taon, inanunsyo sa wakas ni Gutierrez na kakasuhan na ng plunder ang dating boss na justice secretary Hernando Perez dahil sa pangingikil ng $2 milyon kay Mark Jimenez. Pero hanggang ngayon wala pang isinasampang kaso sa Sandiganbayan. Mas malala, pinasya ng Korte Suprema nu’ng 2004 na maanomalya ang P1.3-bilyong Comelec automation ni Benjamin Abalos. Pero sa isang kataka-takang desisyon, pinawalang-sala ng Ombudsman si Abalos, na sangkot na naman dito sa ZTE scam.

Kampante ang Malacañang sa harap ng protesta sa ZTE deal at iba pang katiwalian. Sawa na nga kasi ang taumbayan sa kapi-People Power Revolt. Hangad nila ngayon na makitang umaandar nang kusa ang sistema hustisya. Huwag pagsamantalahan ng admin sa ganitong damdamin ng masa. Kapag naramdaman ng tao na niloloko na sila, magmamartsa sila muli para patalsikin ang manloloko.

‘Yan ang nangyari nu’ng EDSA-Dos. Tahimik na nag­masid ang madla habang in-impeach si Joseph Estrada sa Kamara de Representantes at nilitis ng Senado. Pero nang daanin sa dami ng mayoryang senadores na kakampi ni Erap ang pagbigo ng pagbukas ng sobre ng ebidensiya, nagalit ang mga Pilipino at nagwelgang bayan para patalsikin siya.

Friday, February 22, 2008

Sawa na sa katiwalian, sawa na ring lumaban

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 22, 2008

TALAMAK na talaga ang katiwalian sa baba at taas ng gobyerno. Sa LTO central office sa East Avenue at Cubao, Quezon City, sinalubong ng fixers ang hindi nila kilalang bagong hepe ng ahensiya — at hiningan ng P1,000 para bumilis ang pag-renew ng driver’s license. Sa Malacañang at Gabinete mahigit isang dosenang krimen ang ginawa sa pagtaguyod at pagtatakip sa ZTE scam. At sa lahat ng sangay ng gobyerno — ehekutibo, lehislatura at hudikatura — perahan na lang ang nangyayari.

Malaon nang nanlumo ang mamamayan sa katiwalian. Sumuko na ang karamihan sa media. Ang mga negos­yante, nag­bibigay na lang ng hinihinging suhol upang ma-serbisyuhan ng gobyerno. Ang mga botante, nilalako na ang boto na alam nilang hindi naman mabibilang. Ang mga abogado, tinatang-gap na lang ang sistemang highest bidder sa mga kaso sa korte. Pati mga pinuno ng simbahan ay nagbubulag-bulagan na sa kasalanan, dahil mga nag-aabuloy sa kanila ang mga nangungulimbat.

Sinuri ni Eufemio Domingo, dating hepe ng Commission on Audit at Presidential Anti-Graft Commission, ang isang masamang ugali ng Pilipino. Aniya, muhing-muhi tayo sa katiwalian — pero kilig na kilig tayo kapag duma­dalo ang mga tiwaling opisyales sa ating mga kasalan, binyagan at kainan. Ito raw ang rason kung bakit lalong lumalakas ang loob ng mga magnanakaw sa gobyerno na ibulsa ang pera ng taumbayan. Iniidolo kasi sila ng madla.

Sana, ani Domingo, baguhin ng Pilipino ang maling ugaling ito. Imbis na tangkilikin ang tiwali, dapat daw ay talikuran at tuyain sila. Huwag daw dapat imbitahin sa mga piging. Ni huwag daw dapat kausapin. Pagbawalan daw pumasok sa simbahan, at huwag bigyan ng Komun­yon. Sa gan’ung paraan daw, kikilabutan ang mga tiwali at matatakot nang magnakaw. Isa sa pinaka-matinding kinatatakutan ng tao ang ihiwalay sa lipunan na parang ketongin nu’ng sinaunang panahon.

Tuesday, February 19, 2008

ZTE: Tuluy-tuloy pang krimen

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, February 19, 2008

TALAGA bang hindi hihinto ang Arroyo admin sa paggawa ng krimen sa pagtutuloy at pagtatakip sa ZTE scam? Nitong nakaraang araw, binantaan ng isang Cabinet member ang Makati Business Club na ipabi-BIR sila. Ito’y dahil nanawagan ang mga negosyante kina Cabinet members Lito Atienza at Romy Neri na mag-resign dahil sangkot sa pagkidnap at pagbusal kay whistleblower Jun Lozada.

Garapalang paglabag sa Konstitusyon ang pagba­banta. Nasa Bill of Rights ang kalayaang maghayag at humingi ng lunas sa hinaing. Utos din ng Code of Conduct and Ethical Standards na kilalanin ng nasa gobyerno ang karapatan ng mamamayan. Ipinagbabawal naman ng Administrative Code ang pagha-harass ng ma­mamayan.

Nu’n lang naunang linggo, maraming krimen din ang ginawa ng mga galamay ni Gloria Arroyo kay Lozada. Kinidnap siya sa airport, nanghadlang sa hustisya, nang-udyok na magbulaan, nag-wiretap, nagbulaan mismo sa Senado, at inaabala ang takbo ng Kongreso. Sinabayan pa ng panlalait sa lahing Tsino.

Bago ’yon, marami ring batas ang nilabag para maisa­katuparan ang ZTE deal. Inapura nila ito, itinago sa publiko, at nag-overprice. Ilan lang sa binale-walang batas ang: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Telecoms Policy Act, Procurement Reform Act, Omnibus Election Code. at Revised Penal Code (sa panunuhol at pag-aalok ng suhol). Pati ang Konstitusyon nilabag nang pirmahan ang kontrata miski wala pang aprubadong sanhi ng pondong pantustos sa proyekto.

At nang tinangka nilang itago ang kontrata sa publiko, nilabag din ang Anti-Red Tape Law. Nag-imbento ng umano’y pagnakaw ng kontrata sa China ilang oras matapos mapirmahan, at kunwari’y na-reconstruct ito. Pame­meke ito ng dokumentong pampubliko at pang-aapi sa mga pinalabas na “magnanakaw”.

Ano’ng klaseng gobyerno ito na gumagawa ng krimen para lang kumulimbat ng $200 milyon (P10 bilyon) mula sa $330-milyong kontrata?

Monday, February 18, 2008

Papeles sa ZTE scam dapat ipaliwanag

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, February 18, 2008

NILILITO ni Press Sec. Ignacio Bunye ang madla tuwing sinasabing puro daldal lang at walang solidong ebidensiya ng katiwalian sa ZTE deal. Merong papeles — at dapat itong ipaliwanag.

Una sa listahan ang annexes sa $330-milyong DOTC-ZTE contract. Ayon sa Bill of Materials at Bill of Quantities, halagang $194,051,628 ang telecom hardware at $135,429,313 ang serbisyo, para sa kabuuang $329,480,941. Nagsumite si Joey de Venecia ng alam niyang presyuhan ng equipment at services sa telecom industry, at pumalo lang ito sa halagang $96,078,246 at $36,733,786, o total na $132,812,032. Lumilitaw ang overprice na $196,668,909. Mabeberipika ng Senado ang overprice kapag kausapin nito ang telecom experts.

Meron pang ibang dokumento. Halimbawa, minutes ng NEDA board meeting nu’ng Nob. 2006 kung saan iginiit ni President Gloria Arroyo na build-operate-transfer dapat ang broadband network, pero ginawang utang batay sa kontrata. At ang pag-atras ng pag-utang sa China ng perang pampabahay ng pulis para lang maisingit ang ZTE deal.

May papeles din sa pagdukot kay saksing Jun Lozada. Taliwas ito sa hirit ng pulisya na sinundo kuno nila siya sa airport para protektahan. Nakatala sa airport security logbooks na tatlong sundalo ng Presidential Security Group ang umakyat sa arrival area para kaunin “ang VIP” (si Lozada). Sa kotse rin ng PSG, puting Toyota Corolla Altis na may plakang ZCJ 556, isinakay si Lozada. Panay ang tanggi ng pulisya at PSG — pero klaro na hindi lang kinidnap si Lozada kundi sangkot pa ang Malacañang.

Pero si Lozada ay dapat ding magpaliwanag ng ilang papeles. Sa testimonya niya, aniya binantaan siya ni Comelec chairman Ben Abalos nu’ng Enero 2007 na papa­tayin kapag matuntong lang sa Wack Wack Golf Course o sa Mandaluyong. Pero batay sa billing statements at mga resibo, nakailang golf games pa siya sa Wack Wack hanggang Enero 2008. At sa Ben’s Diner na pag-aari ni Abalos pa siya nagmemeryenda. ‘Yun daw ba ang papatayin? Tiyak, may paliwanag si Lozada diyan.

Friday, February 15, 2008

Tubig, pabahay nilaglag para lang sa ZTE deal

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 15, 2008

REHABILITASYON ng Angat Dam; pabahay sa pulis. Dalawa lang ‘yan sa mga proyektong isinakripisyo umano ni President Gloria Arroyo para lang maisingit ang $330-milyong ZTE deal na may $200-milyong kickback. At ‘yan din ang rason kung bakit nabagabag si Jun Lozada.

Kinuha umano ni noo’y Economic Sec. Romy Neri si Lozada bilang technical adviser sa national broadband network. Panukala noon ang ZTE Corp. ng China na mag­benta ng telecoms equipment nang $262 milyon, na ipapautang sa gobyerno ng China Export-Import Bank. Balak naman ng Amsterdam Holdings Inc. ni Joey de Venecia III na sila mismo ang gagasta ng $240 milyon para itayo ang network, at saka na sisingilin ang gobyerno sa sistemang build-operate-transfer. Eksperto si Lozada sa telecoms dahil nagtrabaho sa Alcatel at iba pang malalaking kompanya sa abroad.

Ani Lozada, itinutulak ni Comelec chief Ben Abalos ang ZTE. Pero ang patakaran ni Arroyo ay daanin sa B-O-T imbis na utang ang NBN, kaya hindi makalusot si Abalos at lamang naman ang offer ni Joey.

Natuklasan ni Lozada na may $130-milyong pani­mu­lang overprice sa presyong $262-milyon ng ZTE. Inatasan siya ni Neri na bawasan ang kahayukan ng ZTE group sa kickback. Ipinagtambal pilit ni Lozada sina Abalos at Joey, pero ayaw ng huli, kasi siya ang maku­ kulong kapag nabigyan ng komisyong $130 milyon. Nagsumbong naman si Abalos kay First Gentleman Mike Arroyo, at doon na naganap ang paninigaw ni Mike kay Joey ng “back off.”

Matapos mag-usap sina Abalos at Mike, biglang nag­bago ang isip ni Arroyo. Utang na ang gusto niya, imbis na mas mainam na B-O-T. Sinabi ni Neri kay Arroyo na hindi makakayanan ng gobyerno ang $262-milyong utang para sa proyektong $130 milyon lang; lulupaypay ang ekonomiya. Sagot umano ni Arroyo na huwag nang ituloy ang pag-rehabilitate ng Angat at ang pabahay ng pulis, para ‘yung utang na lang sa China ang iisipin. Isinasa­kripisyo ang sanhi ng inumin at irigasyon ng Greater Manila at Central Luzon, at benepisyo ng mga pulis. Lumobo pa sa $330 milyon.

Tubig, pabahay nilaglag para lang sa ZTE deal

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 15, 2008

REHABILITASYON ng Angat Dam; pabahay sa pulis. Dalawa lang ‘yan sa mga proyektong isinakripisyo umano ni President Gloria Arroyo para lang maisingit ang $330-milyong ZTE deal na may $200-milyong kickback. At ‘yan din ang rason kung bakit nabagabag si Jun Lozada.

Kinuha umano ni noo’y Economic Sec. Romy Neri si Lozada bilang technical adviser sa national broadband network. Panukala noon ang ZTE Corp. ng China na mag­benta ng telecoms equipment nang $262 milyon, na ipapautang sa gobyerno ng China Export-Import Bank. Balak naman ng Amsterdam Holdings Inc. ni Joey de Venecia III na sila mismo ang gagasta ng $240 milyon para itayo ang network, at saka na sisingilin ang gobyerno sa sistemang build-operate-transfer. Eksperto si Lozada sa telecoms dahil nagtrabaho sa Alcatel at iba pang malalaking kompanya sa abroad.

Ani Lozada, itinutulak ni Comelec chief Ben Abalos ang ZTE. Pero ang patakaran ni Arroyo ay daanin sa B-O-T imbis na utang ang NBN, kaya hindi makalusot si Abalos at lamang naman ang offer ni Joey.

Natuklasan ni Lozada na may $130-milyong pani­mu­lang overprice sa presyong $262-milyon ng ZTE. Inatasan siya ni Neri na bawasan ang kahayukan ng ZTE group sa kickback. Ipinagtambal pilit ni Lozada sina Abalos at Joey, pero ayaw ng huli, kasi siya ang maku­ kulong kapag nabigyan ng komisyong $130 milyon. Nagsumbong naman si Abalos kay First Gentleman Mike Arroyo, at doon na naganap ang paninigaw ni Mike kay Joey ng “back off.”

Matapos mag-usap sina Abalos at Mike, biglang nag­bago ang isip ni Arroyo. Utang na ang gusto niya, imbis na mas mainam na B-O-T. Sinabi ni Neri kay Arroyo na hindi makakayanan ng gobyerno ang $262-milyong utang para sa proyektong $130 milyon lang; lulupaypay ang ekonomiya. Sagot umano ni Arroyo na huwag nang ituloy ang pag-rehabilitate ng Angat at ang pabahay ng pulis, para ‘yung utang na lang sa China ang iisipin. Isinasa­kripisyo ang sanhi ng inumin at irigasyon ng Greater Manila at Central Luzon, at benepisyo ng mga pulis. Lumobo pa sa $330 milyon.

Tuesday, February 12, 2008

Gobyernong kriminal

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, February 12, 2008

Una, dinukot nila ang mga komunista, at hindi ako kumibo — dahil hindi naman ako komunista;

Tapos, dinukot nila ang mga sosyalista, at hindi ako kumibo — dahil hindi naman ako sosyalista;

Dinukot nila ang mga unyonista, at hindi ako kumino — dahil hindi naman ako unyonista;

Dinukot nila ang mga Hudyo, at hindi ako kumibo — dahil hindi naman ako Hudyo;

Tapos, dinukot nila ako — at wala nang natitirang kikibo para sa akin. — Martin Niemoeller, pastor sa Germany nu’ng dekada-’30, ipinakulong ni Hitler

KAKUKUWENTO pa lang ni Joe de Venecia sa huling talumpati bilang Speaker ang pagbabanta sa kanyang buhay, heto’t naganap ang kakila-kilabot na eksena sa kumukulong ZTE scandal. Kinidnap ng Malacañang ang testigong si Jun Lozada para pigilan itong maisiwalat sa Senado ang $200-milyong (P10-bilyong) kickback sa $330-milyong telecoms deal.

Ani de Venecia, nanganib ang kanilang buhay nang ibunyag ng anak na si Joey ang ZTE scam na kinasang­kutan nina First Gentleman Mike Arroyo, Comelec chairman Ben Abalos, at DOTC Sec. Leandro Mendoza. Ibinu­long sa kanila ni dating Army chief Jayme delos Santos (nag­tatwa rin pagkatapos) na ipapapatay sila ng tatlong hene­ral — kabilang si Mendoza. Ini-report agad ito ni Joey sa pulis. Lumiham naman si De Venecia kay Presidente Gloria Arroyo, dahil opisyales ng Ehekutibo ang tatlong heneral, at humingi ng aksiyon bilang ika-4 na pina­ka­mataas na pinuno ng bansa.

Nararapat lamang na atasan ng Presidente ang pulis na imbestigahan ang tangkang asasinasyon at mag-ulat sa Speaker. Sinumpaang tungkulin niya ‘yon. Pero, ngit-ngit ni De Venecia, ni walang sinagot si Arroyo.

Ani De Venecia, kung nangyari sa kanya ito gayong mataas siyang pinuno, maari itong mangyari sa iba. At hayun, kinidnap nga si Lozada.

Kung ‘di kikilos ang madla laban sa pang-aabuso, lala­­ganap ito.

Monday, February 11, 2008

Ngayong wala si JDV, paano na si GMA?

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, February 11, 2008

TINUTUYA si Joe de Venecia, sa pagsiwalat niya ng mga baho ng Arroyo admin, kung “bakit ngayon lang?” Nasa farewell speech na niya ang sagot, nang amining maka­salanan siya gaya ng lahat. Kaya parang inuurirat na rin si Saul kung bakit naging Paul at itinigil ang pag­papahirap sa mga Kristiyano matapos lang mabulag patungong Damascus.

Ito ang dapat na tanong: Ano na ang mangyayari kay Gloria Arroyo ngayong nilaglag ng mga anak niyang kongresista ang pinaka-masugid niyang kakampi sa pulitikang si JDV?

Miski sumanib si JDV sa Oposisyon, hindi bagong impeachment ang problema ni GMA. Nakalkula na ‘yan ng mga batang Arroyo. Susubuan lang nila ang mga kongre­sista ng pork barrel — P17 bilyon ng pera natin.

Sa larangang panlabas ang problema ng mga Arroyo. Binalaan sila ng Management Association of the Phils. at Phil. Chamber of Commerce and Industry tungkol sa mga magiging gusot sa ibayong dagat. Hindi sila nakinig; nagpakabulag sa hangaring benggansiya.

Speaker na si JDV nu’ng 1992 nang kulelat na senador pa lang si GMA. Bago ‘yon, idinala ni JDV ang Philippine construction industry sa Middle East habang middle manager lang si GMA sa trade ministry. Dahil founder ng Lakas-Christian-Muslim Democrats, mataas na pinuno si JDV sa pandaigdigang Christian Democratic Union na nakapuwesto sa Europe; walang international affiliation ang Kampi ni GMA. Bilang Speaker nang limang ulit, maraming world leaders na nakaibigang malapit ni JDV; ang katoto lang ni GMA sa ibang bansa ay si dating US President Bill Clinton.

Kaya, tiyak mag-iisip ang world leaders kung bakit nilaglag ni GMA si JDV. Kikilatisin nila lalo ang pagkatao niya, at ang human rights record, lalo na’t ibinunyag ni JDV na hindi siya tinulungan ni GMA nang bantaan siyang papatayin ng tatlong heneral ng Presidente.

Magdadalawang-isip ang world leaders mag-abuloy o magpautang. Kakapusin ang pondo ng gobyerno para sa basic services. Isisisi ito ng publiko kay GMA. Gugulo lalo ang termino niya.

Friday, February 8, 2008

Bumangon 12 oras matapos mamatay

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 8, 2008

BINUHAY ang isang ina sa Ethiopia na 12 oras nang patay — at nagkuwento siya tungkol sa langit. Heto ang ulat ng Breaking Christian News:

Nang ikasal si Fatuma Shubisa sa isang evangelist, lumipat siya sa Kristiyanismo mula Islam. Pero nagkasakit ang ina ng siyam, at pumanaw sa harap ng inang nag-aalaga sa kanya. Nagsimulang magluksa ang Baryo Alelu. Nagkataong naparaan du’n si Warsa Buta na Protestant missionary. Sa pagtupad ng aniya’y pangako ng Diyos na bubuhayin ang patay ng kamay niya, hinanap ni Buta ang namatay na babae.

Nagtaka ang mga kaibigan at kamag-anak nang dasa­lan ng preacher ang nakatalukbong na bangkay. Kuwento ni Buta: Sampalataya ako na kikilos ang Diyos sa pamamagitan ko. Nagdasal ako tulad ng pagdarasal ni San Pedro, ‘Fatuma, sa ngalan ng Panginoong Hesus, bu­mangon ka.’”

At umupo nga si Fatuma sa kama. Dose oras na siyang patay noon.

Si Fatuma ang nagtuloy ng kuwento: “Agad-agad napabalik ako sa aking katawan. Umupo ako at nagta­nong, ‘Ano’ng nangyayari?’ Nagkagulo ang lahat. Anila nagagawa raw ng isang paring Kristiyano na pabalikin ang kaluluwa sa katawan. Sumigaw sila, lahat daw sila magpapa-convert na.”

Habang patay si Fatuma, tila nakaranas siya ng maga­gandang silip sa Langit. Nakita raw niya ang mga yumaong kamag-anak at kapitbahay at nakipagku­wentuhan.

“Bumangon ako sa kagustuhan ng Diyos na bumalik ako sa piling ng mga musmos kong anak,” ani Fatuma sa video ng breakingchristiannews.com nu’ng Enero 29. Ngayon batid ko na kung mamatay tayo ay mapupunta tayo sa napaka-gandang pook.”

Paminsan-minsan pinadadama ng Diyos na nasa pa- ligid-ligid lang natin Siya sa pamamagitan ng pagtata- laga ng ilan sa atin bilang healer. Hindi ang mga tao ang gumagamot sa ating karamdaman o umaayos sa ating pagkatao, kundi ang Diyos na nagmamahal sa atin.

Tuesday, February 5, 2008

Ano’ng tinatago nila kung ‘malinis’ ang NBN deal?

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, February 5, 2008

KUNG sinusundan n’yo ang mga kaganapan sa national broadband scam, tiyak ako na nauubos na ang tiwala n’yo sa administrasyong Arroyo. Bakit hindi? Lahat na lang ng sangkot sa umano’y $200-milyong kickback sa $330-milyong kontrata ay iniisnab ang subpoenas ng Senado.

Maski may warrant of arrest sa kanya, iginigiit ni Sec. Romy Neri na wala na siyang masasabi matapos tumestigo nang 11 oras. (Ngitngit tuloy ni Blue-Ribbon chairman Alan Peter Cayetano na silang mga senador ang magsasabi, hindi si Neri, kung tapos na ang pag-uusisa nila.) Si Comelec chief Ben Abalos naman, nagpasya matapos sumipot minsan na hinding-hindi na siya babalik para igisa muli. Kesyo resigned na rin lang siya at private citizen na, kaya hindi na mapupuwersang tumestigo. Gayundin sina DOTC Sec. Larry Mendoza, at mga ayudanteng Lorenzo Formoso at Elmer Soñeja — ayaw nang bumalik miski tungkulin nilang kumbinsihin ang mga senador na kailangan talaga ng exclusive government telecom network. Si First Gentleman Mike Arroyo, miski kaoopera lang kaya ayaw ng doctor, ay lumipad sa Europe nu’ng araw ng imbitasyon.

Ngayon pati isang mababang opisyal ng Ehekutibo ay may ganang bastusin ang subpoena ng Senado na siya mismo ang humingi.

Si Jun Lozada mismo, presidente ng Forestry Corp. ng gobyerno, ng nagsabi kay Sen. Ping Lacson na darating siya kung sapilitang imbitahin at usisain. Alam niya umano lahat ng dumi sa NBN. Ehemplo: magkano ang partihan ng kickbackers mula sa paunang $70-milyong lagay ng ZTE, at proyektong ibabasura (repair ng Angat dam, pabahay ng pulis) para lang mapondohan ang NBN. Nakokonsiyensiya raw siya.

Pero nu’ng Miyerkules, araw ng Senate hearing, lumipad siya sa Hong Kong para makaiwas. Iniabot sa kanya ng mga amo ang travel order at official itinerary kuno, antedated ang petsa. Tinalikuran na niya ang pangako at konsensiya.

Anang Malacañang walang anomalya sa NBN, kontra sa exposé ni Joey de Venecia III. Kung gan’un, bakit itinatago nila ang impormasyon?

Monday, February 4, 2008

Pork barrel ng Kamara mapapasakamay ni FG

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, February 4, 2008

SAMU’T SARING pansariling interes ang naghahalo sa planong pagbagsak na Kampi kay Speaker Joe de Venecia ngayong araw. Nariyan ang ambisyon ni Rep. Prospero Nograles na humalili sa ika-4 na pinakamataas na puwesto sa bansa. Nariyan ang pakay nina Kampi chairman at Interior Sec. Ronnie Puno, at president Rep. Luis Villafuerte na palawakin ang impluwensiya ng partido bilang paghahanda sa 2010 national-local election. At nariyan ang paghihiganti ng mga Arroyo — sina Reps. Mikey at Dato na anak ni Presidente Gloria Arroyo, at Rep. Iggy na bayaw niya — dahil sa pagsangkot ng anak ni Speaker de Venecia na si Joey III kay First gentleman Mike Arroyo sa mga anomalya sa ZTE deal.

Pero ang pagsuporta sa kanila (o kay de Venecia) ng mga kongresista mula sa iba’t ibang distrito at partido ay batay lang sa iisang punto: Ang pork barrel.

Tig-P70 milyon kada taon ang pork barrel ng mga kongre­sista — o P16.73 bilyon para sa 239 mambabatas. (Bukod pa ang tig-P200 milyon ng bawat senador.) Ang importante para sa mga kongresista ay kung sinong pinuno ang makakapagpa-release ng pondo nila mula sa Department of Budget and Management. Pananatilihin nila si De Venecia o ipapalit si Nograles batay sa kakayahang ‘yan. At dahil ang DBM ay nasa ilalim ng ehekutibo, mabigat ang pasya ng Presidente kung sino ang pina­paboran sa dalawa.

Sa pulong nina De Venecia at Mrs. Arroyo nu’ng Huwe­bes, napaulat na ipinangako raw ng huli ang suporta para sa una. Dagdag pa, paaatrasin daw ni Mrs. Arroyo ang mga kamag-anak sa pagpapatalsik kay De Venecia.

Kung gan’un, e di mananatili sa puwesto si De Venecia. Patahimikin lang niya ang anak tungkol sa ZTE scam, e kampante na siya.

Maraming ayaw kay De Venecia. Pero isipin na lang nila kung si Nograles na manok nina Mike, Iggy, Mikey at Dato Arroyo ang maging Spealer. Aba’y magiging tuta siya ng pinaka-makapangyarihang angkan sa bansa. Mapapasakamay ng mga Arroyo ang P16.73 bilyong pork ng Kamara. Sila ang magdidikta kung kanino ire-release at kung para saan.

Friday, February 1, 2008

Sitwasyong 80/20

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, February 1, 2008

“ANG mahahalagang bagay ay di dapat iniilalim ng mahi­hinang bagay,” ani Goethe, ang makata’t imbentor na Aleman, nu’ng mga 1800. Makalipas ang isang siglo, natuklasan ng ekonomistang Italyanong si Pareto, habang sinusuri ang yaman ng Uropa, na mayorya pala ng lupain at kita ay nasa kamay ng minorya ng populasyon. Para eksakto, 20% lang na mayayaman ang may hawak ng 80% ng kayamanan.

Ayon sa kuwento, natuklasan ni Pareto ang “prinsip­yong 80/20” sa iba pang bansa at sa ibang panahon. Aba’y pati sa hardin niya’y napansin niyang 20% lang ng munggo ang bumubunga ng 80% ng ani. Mula noon, marami pang natuklasang kahalintulad ang researchers: 20% ng kriminal ang naghahasik ng 80% ng krimen; 20% ng motorista ang nagtatala ng 80% ng aksidente; 20% ng mag-aasawa ang nauuwi sa 80% ng hiwalayan; 20% ng sahig ang tinatamaan ng 80% ng gasgas; 20% ng mga kalye ang dinadaanan ng 80% ng trapik; 20% ng mga produkto ang nagbibigay ng 80% ng problema; at 20% nga ng mga kliyente ang nagpapasok ng 80% ng tubo ng kompanya.

Marami pang nailista nitong nakaraaang limang taon: 20% ng damit sa closet ay nasusuot 80% ng okasyon; 20% ng manginginom ay umuubos sa 80% ng beer; at 20% lang ng sales force ang nag-uuwi ng 80% ng benta. Maaring ikaw mismo ay makapansin ng iba pang “80/20”.

Pinayo ni Richard Koch sa librong “Prinsipyong 80/20: Lihim ng Tagumpay sa Konting Kilos,” dapat magsanay tayong pansinin lang ang mga konting mahahalagang bagay at huwag nang mag-abala sa maliliit. Sa ganu’ng paraan, matututo tayong tingnan ang gubat imbis na mga puno.

Mahirap ‘yon ugaliin, batid nina Kristine at Richard Carlson sa libro nilang “Don’t Sweat the Small Stuff.” Pero mariing payo nila na huwag tayo magpapadala, mag­papagalit, magpapalungkot, magpapasira, o magpa­pagamit sa mga walang kapararakang tao, bagay o sitwasyon. Sayang lang daw ang oras at pawis sa maliliit o mahihina. Hindi naman ito ang nagpapaikot sa mundo.