Friday, April 4, 2008

Pag-uusisa ng Senado wala nang saysay

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Friday, April 4, 2008

TATLO ang mensahe mula sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni Romy Neri tungkol sa executive privilege.

Una, wala nang saysay ang pag-iimbestiga ng Kongre­so sa mga katiwalian ng gobyerno. Anang Korte, hindi maaring pilitin ang isang executive official na ibunyag ang mga usapan nila ng Pangulo — miski may sangkot na krimen. Sa national broadband deal, hindi maaring pilitin ng Senado si Neri na ibunyag ang naganap matapos niyang isumbong ang tangkang panunuhol ni Comelec chair Ben Abalos ng P200 milyon.

Opisyal nang tinanggalan ng Korte ang Kongreso ng poder. Parang inutos na rin ng Korte na buwagin na ng Senado ang Blue-Ribbon body, at ng Kamara ang committee on good government. Kasi, hindi naman nila mapi­pilit ang executive officials na magsabi ng buong kato­tohanan.

Ikalawang mensahe: Tila na-control na rin ni President Gloria Arroyo ang Korte Suprema. Halos lahat ng siyam na justices na bumoto para kay Neri ay pawang nominees ni Arroyo. Dapat sana ay maging independent ang appointees mula sa appointer. Pero hindi ito nang­yayari.

Ngayon, alam na natin kung bakit parating iginigiit ng Malaca├▒ang tuwing may nabibistong katiwalian na “ipau-baya na lang sa korte ang paglilitis.” Ito’y dahil hawak naman nila sa ilong ang mga korte. Isa-isang winawasak ang ating mga institusyon: Comelec, AFP, PNP. Kamara, Senado, media, mga obisyo, at ngayon ang Korte Suprema.

Pero may ikatlong mensahe sa desisyon kay Neri. At ito ay maaring mag-boomerang sa Malaca├▒ang. Ibig sabihin ng ruling ay maaring idiin ni Neri si Abalos, pero maitatago niya ang pagkasangkot ni Arroyo sa NBN-ZTE scam. Ibig sabihin, malamang na mahabla ng Ombudsman si Abalos nang plunder, at maari ring hatulan ito ng Sandiganbayan nang habambuhay na pagkakulong. Papayag kaya si Abalos sa gan’un? Hindi kaya siya mahimasmasan at ibunyag na ang lahat?