Monday, March 31, 2008

Gobyerno sinisisi ang mamamayan

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Monday, March 31, 2008

MAPAGPANGGAP talaga ang Arroyo admin. Sa kabila ng mga ulat ng napipintong rice shortage, nagkaila agad ang Gabinete. Pero pinakawalan naman ng Malacañang ang mga media handlers para maghasik ng parallel na balita. Oo, anila, maaring magka-krisis sa bigas, pero hindi ‘yon dahil sa admin kundi sa pagiging maaksaya ng Pilipino.

Sa madaling salita, palihis na umaamin ang admin sa napipintong shortage — pero ibinibintang nito ang darating na krisis sa mamamayan.

Giit ng Malacañang, isang kutsaritang kanin ang ina­aksaya ng bawat isa sa 90 milyong Pilipino kada almusal, tanghalian at hapunan. Nangangahulugan daw ito ng 600 sako ng bigas na nasasayang araw-araw sa buong bansa — na ipinakakain lang sa mga alagang-bahay o -bakuran tulad ng aso, pusa, manok o baboy. Ito raw ay magbu­bunsod ng krisis. Kaya matuto raw dapat tayo magtipid; pati mga restoran, bawasan na raw ang takal ng kanin.

Ewan ko kung pag-aaksaya ang inaasal ng Pilipino kaya ipinakakain ang tirang kanin sa mga alagang hayop. Mahal masyado ang pet foods. Ewan ko rin kung totoong isang kutsaritang kanin ang inaaksaya natin kada kain. E, 20% ng populasyon — 18 milyong Pilipino — ay halos wala na ngang makain.

Kung kinakapos ang rice supply, ito’y dahil kulang ang naa-ani. At kung kulang ang naaani, ito’y dahil sa kurakot sa gobyerno.

Upang itaas ang produksiyon ng bigas, kailangan ng irigasyon, fertilizers, pesticides, post-harvest facilities, kalsada at palengke. Pero kulang palagi ang pondo para sa mga gan’ung proyekto. Bakit? E kasi winawaldas ng pamunuan sa mga walang kapararakang bagay. Ehemplo: kung hindi natin binisto, uutang sana ang Arroyo admin ng $330 milyon (P17 bilyon) para sa walang-silbing national broadband network, imbis na ilagay ang pera sa rice production.

Mas ginugusto ng pamunuan na mag-import ng milyon-milyong tonelada ng bigas. Kasi, may kickback sa presyo, sako at barko.

Friday, March 28, 2008

Malacañang lantarang isinusuko ang Spratlys

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Friday, March 28, 2008

TRAYDOR ang Malacañang. Nu’ng Sept. 2004 pumirma ng joint marine seismic understanding kung saan ipinapa-explore sa China — miski labag sa Konstitusyon — ang 142,866 sq km na karagatan sa Palawan at Kalayaan Islands sa gilid ng Spratlys. Nang umangal ang Vietnam, na umaangkin din sa bahagi ng Spratlys, isinali ito sa joint seismic study nu’ng March 2005. Habang nagsa­sagawa ng joint study, bawal magmina ang Pilipinas ng oil o gas sa naturang pook — na pag-aari naman ng Pilipinas. Saad sa kasunduan na dapat ito ilihim miski limang taon nang mapaso. Parang ibinenta ang Pilipinas: Kapalit ng understanding ay $2 bilyong utang kada taon na pinagkukumisyunan. Kabilang na ang $330-milyong NBN-ZTE deal kung saan sangkot sina Gloria at Mike Arroyo sa $200-milyong kickback.

Nang mabisto at batikusin kamakailan ang kasunduan, nagmalinis ang Malacañang. Kesyo raw si noo’y Speaker Joe de Venecia ang naggiit ng joint seismic study; pero tauhan naman ng Malacañang ang pumirma. Kesyo ipag­tatanggol daw ng Malacañang ang teritoryo ng bansa; pero sa salita lang ‘yon, dahil sa gawa ay inilihim pa ang pagbenta ng sobereniya.

Magsisimula pa lang ang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa pagtataksil. Samantala, ipinasa nu’ng Dis­yembre 2007 sa Kamara ang panukalang baselines ng teritoryo ng Pilipinas. Sakop sa baselines ang Ka­layaan at Scarborough Shoal, isla sa gilid ng Zambales na ina­angkin ng China. Imbis na i-third and final reading na ito ng Kamara, biglang bumaliktad ang committee on foreign­ affairs, na hawak ng mga galamay ni Arroyo, at ipinabalik ito sa komite. Umaangal daw kasi ang China.

Lumitaw nu’ng Holy Week kung bakit ibinalik sa komite ang panukala. Aalisin pala ng Malacañang ang Kalayaan at Scarborough mula sa sakop na teritoryo ng bansa. Ituturing na lang itong “regime of islands.”

Nagsinungaling pa ang Malacañang. Kesyo hindi raw umaatras ang Pilipinas sa paggigiit ng sobereniya. Pero sa totoo lang, kapag tinawag na “regime of islands” ay ina­ako ng bansa na maaaring mapasa-kamay ng China ang teri­toryo. Talagang taksil na mangungulimbat ang pamunuan.

Tuesday, March 25, 2008

DOTC-ZTE contract ipasuyod sa eksperto

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 25, 2008

NOON pang mga unang hearing ng Senado sa NBN deal nu’ng Okt. 2007, hiniling na ni Sen. Loren Legarda na ipasuri ito sa in­dependent experts. Sa ganitong paraan aniya mababatid kung may overpricing talaga sa contract, at kung mapapa­kinabangan talaga ito ng gobyerno.

Merong Philippine Electronics and Telecommunications Federation, binubuo ng mga indibidwal, kompanya at samahan sa industriya. Kasama ru’n ang mga espesyalista sa iba’t ibang larangan ng telecoms, computers, at engineering. Maaring sa PETEF humingi ang Senado ng mga ekspertong susuyod sa 52-pahinang kontrata at 11 annexes nito upang malinang kung saan ang dayaan.

Tumestigo si Joey de Venecia na nu’ng pirmahan ang $330-milyong kontrata nu’ng Abril 2007, merong isiningit ang mga kakompetensiya na $200-milyong (P10-bilyong) kickback. Idinagdag ni Jun Lozada na nu’ng nagnenegosasyon pa lang sa paunang presyong $262 milyon, $130 milyon na umano ang pinapo-protektahang komisyon ni Comelec chief Benjamin Abalos. At sinumpa ni Dante Madriaga na, bilang ZTE consultant, alam niya na ang “tongpats” (patong o suhol) ay $230 milyon. May magsasabing biased ang mga paratang nina Joey, Jun at Dante — pero maaring gawing panimulang batayan ng independent experts ang mga papeles ng tatlo.

Meron pang ibang maaring gamitin ang independent experts­. Hawak ko, halimbawa, ang kopya ng mga dokumen­tong isinumite ng Alvarion of Israel sa ZTE nu’ng Mayo 2006. Price quotations ito para sa WiMAX units, equipment na bibilhin ng ZTE sa Israel at saka ibebenta sa DOTC. Du’n pa lang, maki­kitang halos triniple ng ZTE ang presyong ibinigay sa kanila ng Alvarion subcontractor. Saan pa napunta ang overprice kundi sa kickback o “tongpats”.

Maari ring sa iba pang sources magbatay ng pagsusuri ang experts. Basta’t habang hinahanap nila ang overpricing, alamin na rin nila kung mangyayari ang gan’ung katiwalian kung open bidding imbes na closed negotiations ang ginawa ng DOTC.

Monday, March 24, 2008

Nauusong katiwalian: Pag-umento sa sarili

Inilathala sa Pilipino Star Ngayon, Monday, March 24, 2008

KAKAIBANG klaseng sangay ng gobyerno ang Kongreso. Dito, ang mga kasapi ang nagtatakda kung mag­kano ang kikitain nila sa pamamagitan ng pork barrel, allowances, at budget ng committee chairmanship. Ang resulta: Nag-uuwi ang bawat senador o kongresista ng P5 milyon hang­gang $8 milyon kada buwan — na pera ng taumbayan.

Ginagaya ng executive branch ang Kongreso. Sa government-owned and -controlled corporations, mga board directors, na pawang appointees ng Malacañang, ang nagtatakda ng sariling per diem, allowance at bonus.

At dahil nakahahawa ang kasakiman, gumaya na sa Kongreso at GOCCs ang isang line agency sa ehekutibo — ang Philippine Overseas Employment Administration.

Nahuli at kinastigo ng Commission on Audit ang POEA dahil sa ilegal na pagbayad ng P40 milyong incentives at allowances sa opisyales at empleyado nitong nakaraang tatlong taon. Pinuna rin ng COA sa pagbigay ng POEA sa executives at rank-and-file ng cellphones. Inabuso pa nga ito ng POEA officers and men, anang COA, dahil siningil nila sa ahensiya ang pag-download nila ng P796,000-halaga ng ring tones, games, picture messages at iba pang unauthorized dahil personal na items.

Ang masaklap dito, ang perang kinupit umano ng POEA ay galing sa Overseas Workers Welfare Fund. Pera ito na sapilitang hinuhulog ng overseas workers para repatriation, hospitalization at iba pang emergency ha­bang nasa-abroad.

Dapat suyurin rin ng COA ang iba pang ahensiya ng gobyerno, pati ang mga munisipyo, city hall at kapitolyo upang ilantad ang pag-uumento sa sarili. Nauusong pa-raan ito ng katiwalian. Sa isang government bank nga, binayaran ng board directors ang sarili nila ng tig-P7-milyong bonus nu’ng Enero. At para hindi umangal ang officers, binalatuan din sila ng tig-P3 milyon hanggang -P5 milyon.

Siyempre ang nalulugi sa katiwalian ay ang mama­mayan. Imbis na magasta ang pera ng bayan sa serbisyo publiko, ibinubulsa lang ng iilan.

Tuesday, March 18, 2008

Pag-kontra ng China senyales para sa atin

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 18, 2008

UMAANGAL umano ang China sa territorial baselines bill sa House of Representatives. Senyales ito na mabuti ang panukala para sa interes ng Pilipinas at hindi ng China. Ibig sabihin, isabatas na agad ang territorial boundaries ng Pilipinas sa karagatan, upang mapatulong natin ang United Nations sa pagpapalayas ng mga nanghihimasok na dayuhan. Mas importante, mapapakinabangan na sa wakas ng Pilipinas ang minerals, oil at gas sa karagatang teritoryo nito, at ang pangisdaan sa dagdag pang 200-mile exclusive economic zone.

Kumokontra ang China sa pagtatakda ng baselines ng Pilipinas dahil legal nating maaangkin ang Spratlys sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea. Talo ang China du’n. Pinalalabas niyang kanya ang Spratlys dahil umano sa “historic claims”. Pero ayon sa UNCLOS, ang siyensiyang geology ang dapat na batayan ng teritoryo.

Nabanggit ko na kahapon ang geological history na batayan ng Pilipinas para angkinin ang Spratlys. Ayon sa masusing pag-aaral ng University of London, nu’ng sinaunang panahong wala pang tao sa mundo ay lumin-dol nang malakas sa mainland Asia kung saan ngayon ang China. Tumalsik ang pahabang piraso ng lupa sa Pacific Ocean, at ito ang naging Palawan. Dahil nagkaroon ng Palawan, umusbong ang Borneo sa timog. Dahil sa Pala­wan at Borneo, mula sa undersea volcanic eruptions ay umusbong naman ang mga pulo-pulo Luzon, Visayas, Mindanao, at Indonesia.

Samantala, sa kanluran ng Palawan, nagkaroon ng bagong dagat na ngayo’y tinatawag na South China Sea sa pagitan ng mainland Asia (Indochina) at Palawan. Ang continental shelf — lupang pinagpapatungan ng Palawan — ay sakop ang Spratlys, na nais angkinin ng China. Ang dulo ng shelf ay hanggang 50 milya kanluran ng Kalayaan Islands sa Spratlys.

Inaangalan ng China ang baselines bill dahil patunay ito na atin ang Spratly Islands na naglalaman ng maraming oil and gas deposits at pangisdaan. Dapat lang igiit ng gobyerno ang katotohanan ng ating claim.

Friday, March 14, 2008

Gas natin sa Palawan di mapakinabangan

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Friday, March 14, 2008

UNA, nantraydor ang mga opisyales nu’ng 2005 sa pag­pirma sa China at Vietnam ng joint exploration sa Spratlys at continental shelf ng Palawan. Kwenta pina­hintulutan nila ang mga dayuhan na pumasok at mag-espiya sa teritoryo ng Pilipinas.

Tapos nangulimbat ang mga opisyales mula sa Chinese loans na bumuhos sa Pilipinas matapos paya­gan ang panghihimasok sa teritoryo. Nagbalato ng $2 bilyong pautang kada taon ang China — sa Northrail, Southrail, NBN-ZTE at tatlong dosena pang proyekto — kung saan di bababa sa 20% ($400 milyon) ang kickback, ayon kay Jun Lozada.

Heto naman ang pangatlong kakambal na salot na tumama sa bansa: Hindi mapakinabangan ng Pilipinas ang langis at natural gas sa karagatan ng Palawan dahil ayaw pumayag ang China. Ayon kasi sa 2005 joint exploration agreement, bawal sa tatlong bansa na i-assign kanino man ang mga yaman sa karagatan nang walang kasulatang pahintulot ng iba. Lugi ang Pilipinas sa ka­sunduang ito dahil bahagi ng Spratlys na okupado natin at continental shelf ng Palawan ang sakop na karagatan.

Nu’ng 2002 pa in-award ng gobyerno sa pribadong kompanya ang general survey and exploration contract 101 sa bahagi ng Reed Bank sa Palawan. Nais na ng kompanya na mag-drill ng gas. Pero hindi na maari ito dahil sa katrayduran at pangungulimbat na nagsimula nu’ng 2005.

Mas malaki pa sana kaysa Malampaya ang gas sa Reed Bank. Ayon sa tatlong seismic surveys, 3.7 trillion cubic feet ang reserve, at maaring umabot pa sa 20 TCF. Bilyun-bilyong piso ang halaga nito, at dapat may parteng 60% ang gobyerno sa pagbenta. Kaso, hindi mapakina­bangan ang gas. Kasi nga ihinihirit ng China ang joint exploration pact para pagkaitan ng drilling license ang kompanya.

Kailangang-kailangan ng gobyerno ng pera para sa edukasyon, pakain, patubig, pabahay at pangkalusugan ng mahihirap, at ng sundalo’t pulis. ‘Yung 60% parte sana ng gobyerno sa langis at gas resources ang puwedeng pagmulan ng pondo. Pero natraydor at nakulimbatan tayo.

Tuesday, March 11, 2008

Mangungulimbat (Karugtong ng lumabas kahapon)

SAPOL Ni Jarius Bondoc, Pilipino Star Ngayon, Tuesday, March 11, 2008

NU’NG 2004 tinalikuran ng RP ang ASEAN. Gumawa si Gloria Arroyo ng sariling kasunduan sa China. Kesyo joint seismic studies daw ng Spratlys ng PNOC ng Pilipinas at CNOOC ng China. Nagpa-joint exploration din siya ng bahagi ng Spratlys na sakop ng Pilipinas, at pati ng continental shelf ng Palawan.

Ayon sa UN Law of the Sea, ang continental shelf ay bahagi ng teritoryo ng bansang-kapuluang tulad ng RP. Kaya kuwenta pinayagan ni GMA na manghimasok ang China sa okupadong isla at legal na teritoryo ng Pilipinas. Isa itong katraydoran!

Ilang taon ding itinago ng Pilipinas ang kontrata mula sa publiko. Nag-leak na lang ngayon ang detalyes sa mga nagsasaliksik. Ayon sa ulat ni Barry Wain sa Far Eastern Economic Review: “Ang tinutukoy na pook, ma­lawak na karagatan mula Palawan sa Katimugang Pili­pinas, ay sumasaklaw sa Spratlys at bumabagtas sa Ma­lampaya, isang produktibong gas field ng Pilipinas. Ika-anim ng kalawakan, pinakamalapit sa pampang ng Pili­pinas, ay ni hindi sakop sa inaangkin ng China.”

Kataka-taka ito. Ang joint exploration ay solusyon sana sa malimit na girian ng Pilipinas at China sa Spratlys. Kaya, bakit isinama rito ni GMA ang legal na teritoryo ng Pilipinas?

Ang sagot ay nasa sumunod na kilos ng China. Ilang linggo lang matapos ang pirmahan, inanunsiyo ng China na magpapautang ito ng $2 bilyon kada taon para sa mga proyektong imprastruktura at pangsakahan ng Pili­pinas. Hanggang 2010 daw, taon ng pagbaba sa puwesto ni GMA.

Kaya dumagsa ang Chinese loans magmula nu’ng 2005, kasama ang Northrail at Southrail. Nu’ng 2007 lang, mahigit 35 proyekto ang iniutang ng Pilipinas sa China, kabilang ang national broadband network ng ZTE.

Ibinunyag ni ZTE scam whistleblower Jun Lozada na mahina ang 20% kickback ng mga kawatang opisyales mula sa Chinese loans. Kung $2 bilyon kada taon ang pautang, e di $400 milyon ang kickback. Taumbayan ang magbabayad ng utang nang deka-dekada, pero yayaman agad ang mangungulimbat at traydor.

Monday, March 10, 2008

Traydor

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, March 10, 2008

MALAON nang nagnenegosasyon ang RP at telecom firm Arescom ng US para sa national broadband network nang sumingit ang ZTE ng China nu’ng 2006. Bigla na lang tinalikuran ng RP ang naunang bidder at, nu’ng Abril 2007, nakipag-kontrata sa bagong-salta. Kung nagtataka ang mga Pilipino sa iginawi ng kanilang gobyerno sa ZTE deal, lalo silang magigitla sa pagtalikod nito sa matagal nang kaalyadong US para akapin ang China.

Taong 2002 nang, sa tulong ng US, hinikayat ng RP ang Association of Southeast Asian Nations na magkaisa kontra sa banta ng China. Pakay ng RP noon na bugawin ang China sa Spratlys, mga isla sa South China Sea na pinaniniwalaang may langis at natural gas. Inaangkin ang Spratlys di lang ng RP at China, kundi pati Taiwan at taga-ASEAN na Vietnam, Malaysia, Indonesia at Brunei. Dahil sa malimit na girian ng RP, China at Vietnam, nilistang sanhi ng karahasan ang rehiyon. Kaya pinapirma ng RP ang ASEAN at China ng kasunduan na ang pakay ay ihinto ang pagdami ng militar ng China sa Spratlys. Nagyabang pa ang RP sa pamumuno.

Lumipas lang ang dalawang taon, bumaliktad ang lahat. Tumiwalag ang RP mula sa kasunduang ito mismo ang nagpasimuno, at nagpasyang solo na lang siyang makikipagharap sa China. Sa isinalin na ulat ni Barry Wain sa Far Eastern Economic Review (Jan.-Feb. 2008): “Malaki ang sorpresa sa apurahang biyahe ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo sa China nu’ng patapos ng 2004. Kabilang sa mga maseremonyang pinirmahan ng dawalang bansa ay joint seismic studies ng kani-kanilang national oil companies sa masalimuot na South China Sea. Ikinagalit ito ng ASEAN.”

Dagdag pa ni Wain: “Nakakapanlumong pumayag din ang RP sa joint exploration hindi lang ng pitong islang inookupa nito sa Spratlys, kundi pati na rin ang continental shelf nito.”

Ang continental shelf ay lupang lubog sa tubig mula sa pampang hanggang sa puntong bumabagsak na ito sa ocean floor. Sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea, tinuturing itong bahagi ng teritoryo ng isang bansang isla o nasa tabing-dagat — at lalo na kung kapuluan.

Bakit patraydor na isinuko ni GMA sa China hindi lang ang Spratlys na sakop ng Pilipinas, kundi pati ang sariling shelf nito? (Itutuloy bukas)

Saturday, March 8, 2008

Handa ba tayo sa bagong uri ng People Power?

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Friday, March 7, 2008

NU’NG 1986 pinabagsak ang isang diktador; nu’ng 2001, isang plunderer. Bakit nangasa-kalsada na naman ang mga mamamayan at nagpapatalsik muli ng isang Presi­dente — dahil sa laganap na patayan at katiwalian?

Malinaw ang sagot sa katanungan: Makalipas ang dalawang People Power Revolt, hindi pa rin nakapaglatag ang bansa ng matinong sistema. Naroong ibinalik lang ng EDSA-1 ang lumang oligarkiya at Kongresong hawak nito. At pinatindi lang ng EDSA-2 ang pork barrel ng Kon­greso, ang pag-control ng oligarkiya sa Malacañang, at impluwensiya naman ng Malacañang sa local officials at Simbahan. Resulta: Labis na pag-aabuso ng mga naghaha­ring pulitiko sa kapangyarihan at sa pera ng taumbayan.

At bakit nagkaganoon ang EDSA-1 at 2, gay’ung resul­ta ang mga ito ng sama-sama’t demokratikong pagkilos ng mamamayan? Nasa sipi ni Edmund Burke marahil ang sagot: “Para manaig ang kasamaan, kelangan lang ay walang gawin ang mabubuting tao.”

Matapos ang EDSA-1 at 2, kinailangan ang mabubu­ting tao para patakbuhin ang gobyerno. Pero hindi nila ginawa ito. Nagsiuwian sila matapos bumagsak si Marcos at si Estrada; nagsibalikan sila sa kanya-kanyang buhay. Ipinaubaya na lang sa iilang ang misyon ng patuloy na pagrereporma upang makahubog ng bagong sistema. E nagkataon na marami sa iilang iyon ay kawatan na winasak lang ang mga simulain ng People Power.

Sinasabi ng mga obispo na hindi na uso ang EDSA-1 at 2. Kung lilinisin ngayon ang administrasyong Arroyo, kailangan daw ng bagong uri ng People Power. Hindi na pagmamartsa, kundi ibang ibang anyo.

Sa aking palagay, ang bagong People Power ay ang pakikilahok ng mas maraming mabubuting tao sa kala­karan sa gobyerno. Ito’y boluntaryo na paghawak ng mga halal at hirang na puwesto, miski maliit ang kita, para lang maisulong ang reporma. Kasama na rin dito ang walang-sawang pagbabantay sa gobyerno para hindi lumihis sa landas ng matinong pamumuno. Kailangan baguhin ang sistema, hindi lang ang tao sa taas.

Wednesday, March 5, 2008

ZTE nabayaran na ba?

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, March 4, 2008

NGAYON tatalakayin ng Korte Suprema ang isyu ng executive privilege. Lilinawin ng Hudikatura kung maari bang pilitin ng Senado si Sec. Romy Neri na ibunyag ang mga pinag-usapan nila ni Gloria Arroyo tungkol sa maanomalyang ZTE deal.

Ang executive privilege ay karapatan ng Presidente at Gabinete sa Konstitusyon na ilihim ang mga usapan nila, lalo na kung nakasalalay ang seguridad ng bansa at relasyon sa iba pang bansa. Pero hindi ito maaaring ihirit kapag nakasalalay naman ang karapatan ng mamamayang malaman ang anumang may direktang epekto sa buhay nila.

Halimbawa: nagbayad na ba ang gobyerno sa ZTE?

Lumulutang ang tanong na ito dahil sa Art. 8 ng DOTC-ZTE contract ng Abril 21, 2007. Dapat daw mag­bayad ang DOTC sa ZTE ng 15% down payment sa loob ng 10 araw na maging epektibo ang kontrata. Hindi ito mang­gagaling sa anumang uutangin ng gobyerno sa China. Kumbaga, sagutin mismo ito ng Pilipinas: $49 milyon ng $329 milyon. Maaalalang inanunsiyo ni Gloria Arroyo nu’ng September 2007 ang pagkansela umano ng kontrata; pero walang dokumentong nagpapa­tunay dito. Kaya maaaring naging epektibo muna ang kontrata, at naibayad na ang paunang $49 milyon.

Lumulutang din ang tanong sa alon ng pahayag ni Dante Madriaga sa Senado. Anang dating technical consultant ng ZTE, nag-advance ang kompanyang Tsino ng $41 milyon sa mga Pilipinong backer nito. Una raw ay $1 milyon para representation nu’ng Agosto 2006; tapos, $10 milyon nang i-endorse ng NEDA ang proyekyo nu’ng Marso 2007; at huli ang $30 milyon nang i-witness ni Arroyo ang pirmahan nu’ng Abril 2007. Kalahati raw ng bawat release ay napunta sa mag-asawang Gloria at Mike Arroyo.

Masyadong malapit ang $41 milyong advance sa $49 milyong down payment. Nagiging suspetsoso ito lalo na’t gumasta nang malaki ang ZTE para sa financial studies, engineering designs, at presentasyon nito — pero hindi naman naniningil ng damages sa pagkansela ng kontrata.

Nabayaran na nga ba sila ng $49 milyon kapalit ng $41 milyon? Sana sagutin ‘yan ng Palasyo, at hindi magtago sa likod ng executive privilege.

Tuesday, March 4, 2008

Kuwento ni Madriaga

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Monday, March 3, 2008

TOTOO ang sinabi ni Dante Madriaga sa hearing ng Sena­do nu’ng Martes. Nagkakilala kami nu’ng Okt. 2007 nang, sa e-mail niya noon, nagbigay siya sa akin ng karagda-gang info sa umuusok kong exposé sa ZTE scam. Pina­bulaanan niya ang kumakalat noong balita na inilalako niya ang posibleng pagtestigo niya nang milyun-milyong piso. Nais daw niyang lumantad pagdating ng tamang panahon, pero kailangang maikubli muna niya ang asawa’t pitong anak sa panganib. Malalaking tao kasi ang isa­sang-kot niya sa $330-milyong kontrata na may $200-milyong kickback. Nagkasundo kaming mag-usap nang harapan.

At hayun, tulad ng sinabi ni Madriaga sa Senado, nagkuwento siya. Siya umano ang technical man sa grupo ni Comelec chairman Ben Abalos na nagtutulak sa ZTE Corp. of China para maging supplier ng national broadband network. Siya rin ang liaison ng grupo sa pakikipag-usap sa NEDA sa ilalim ni Romy Neri. Kaibigan niyang telecoms man na si Leo San Miguel ang kumuha sa kanya, at ipinakilala kina Ruben Reyes, (retired) Gen. Quirino dela Torre, at Jimmy Paz (chief of staff ni Abalos).

Nabanggit ni Madriaga ang pagsingil ng grupo niya ng $41 milyong “advances” mula sa ZTE. Una raw ay $1 milyon nu’ng mga Agosto 2006, pang-representation ng grupo; kalahati raw ay napunta sa mag-asawang Mike at Gloria Arroyo. Ikalawa ay $10 milyon, Marso 2007, nang makuha nila ang mahahalagang approvals mula sa NEDA. At pangatlo ay $30 milyon nu’ng Abril 2007, para sa kampanya ng partido ng admin, nang mag-witness si Arroyo sa pirmahan ng DOTC at ZTE sa Hainan, China.

Nu’ng magkakilala kami ni Madriaga, kaaanunsiyo pa lang ni Gng. Arroyo na kinansela na niya ang kontrata at inimpormahan ang China. Mabilis sinundan ‘yon ng chorus ng Malacañang spokesmen na itigil na dapat ang Senate inquiry dahil wala nang kontratang uuriratin. Ngayong sinasabi ni Madriaga na tumanggap na pala ng pera mula sa ZTE ang “grupo ng Pilipino,” lalo dapat uri­ratin ang isyu. Lalo na’t ayon sa kontrata ay dapat magba­yad agad ang Pilipinas nang $49 milyong down payment (15%) pagkapirma nu’ng Abril 2007. Masyadong malapit ang $41 milyong advance sa $49-milyong down payment. Baka tinakpan ang pauna ng ZTE.