Tuesday, February 19, 2008

ZTE: Tuluy-tuloy pang krimen

SAPOL Ni Jarius Bondoc
Tuesday, February 19, 2008

TALAGA bang hindi hihinto ang Arroyo admin sa paggawa ng krimen sa pagtutuloy at pagtatakip sa ZTE scam? Nitong nakaraang araw, binantaan ng isang Cabinet member ang Makati Business Club na ipabi-BIR sila. Ito’y dahil nanawagan ang mga negosyante kina Cabinet members Lito Atienza at Romy Neri na mag-resign dahil sangkot sa pagkidnap at pagbusal kay whistleblower Jun Lozada.

Garapalang paglabag sa Konstitusyon ang pagba­banta. Nasa Bill of Rights ang kalayaang maghayag at humingi ng lunas sa hinaing. Utos din ng Code of Conduct and Ethical Standards na kilalanin ng nasa gobyerno ang karapatan ng mamamayan. Ipinagbabawal naman ng Administrative Code ang pagha-harass ng ma­mamayan.

Nu’n lang naunang linggo, maraming krimen din ang ginawa ng mga galamay ni Gloria Arroyo kay Lozada. Kinidnap siya sa airport, nanghadlang sa hustisya, nang-udyok na magbulaan, nag-wiretap, nagbulaan mismo sa Senado, at inaabala ang takbo ng Kongreso. Sinabayan pa ng panlalait sa lahing Tsino.

Bago ’yon, marami ring batas ang nilabag para maisa­katuparan ang ZTE deal. Inapura nila ito, itinago sa publiko, at nag-overprice. Ilan lang sa binale-walang batas ang: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Telecoms Policy Act, Procurement Reform Act, Omnibus Election Code. at Revised Penal Code (sa panunuhol at pag-aalok ng suhol). Pati ang Konstitusyon nilabag nang pirmahan ang kontrata miski wala pang aprubadong sanhi ng pondong pantustos sa proyekto.

At nang tinangka nilang itago ang kontrata sa publiko, nilabag din ang Anti-Red Tape Law. Nag-imbento ng umano’y pagnakaw ng kontrata sa China ilang oras matapos mapirmahan, at kunwari’y na-reconstruct ito. Pame­meke ito ng dokumentong pampubliko at pang-aapi sa mga pinalabas na “magnanakaw”.

Ano’ng klaseng gobyerno ito na gumagawa ng krimen para lang kumulimbat ng $200 milyon (P10 bilyon) mula sa $330-milyong kontrata?